Skip to main content

PARA KAY PIDO

Una palang naramdaman ko na

Isang tingin ko palang tunay nang nabasa:

Ikaw ang hantungan at pupuntahan

Ng puso kong ligaw na matagal walang nanahan.


At isang araw, dumating ka na nga

Naulit bukas at mga gabing sumunod pa

Ako ay humanga din nga naman

Pilitin mang pigilan ay lalong nasundan.


Lumalim nang lumalim ang pagsinta

Hindi natin namalayang nagtatagal na pala

Ang dating mga lihim ay nakaya nang banggitin

Mga plano at pasya'y nagsimula nang buuin


Inilahad ang mga bilin at pangako

Na walang kakalas sa pinasok nating ito

Ang totoong damdami'y pilit tinanto

Inusisang mabuti, tunay na sinigurado


Sa harap ng Diyos at ng mga tao

Akong nangako nang buong puso

Na walang kahit na ano o sino

Ang makapaghihiwalay sa akin mula sa'yo


Ngunit kung Maykapal na ang s'yang magpasya

Na tayong dalawa ay maghiwalay na

Sa langit ay hahanapin parin kita

At doon muling susubok nang magkasama


Ngunit habang naandito ka pa

Hayaan mo lang na mahalin kita

Dahil kung aalisin ang mga walang kasiguraduhan

Ikaw na ang nais makapiling magpakailanman.



{ 120521 | 0246 | CXC}

Comments

Post a Comment

Popular posts from this blog

Walong buwan na ang nagdaan Nang ang isa't isa'y matagpuan. Nagkapakiramdaman, Iba na pala ang tinginan, Salitaang may laman. Minsan masaya, minsan magulo. Minsa'y kailangan manuyo. May sigawan man o tampo, Nakararaos kahit papaano, Palagi pa ring kuntento. Sabi nila'y "H'wag ka-seryoso, Iilang buwan pa lamang kayo. Madali pa ang mga ito Kumpara sa relasyong totoo." Ngunit sinong may sabing 'di tunay 'to? Kahit na anong iksi Hindi masasabing madali Ang magtiwala at mamili Na dito ay manatili Subalit dito'y walang pagsisisi. Kaya't laging ang sagot Sa tanong na nahahakot "Hindi man tiyak ang aking madampot Asahan mong wala akong takot Dahil sya lang ang pumapawi ng aking lungkot." Tulad ng lagi mong sabi, Mahal din kita palagi. Habang ikaw pa ang nandito, Mahal kitang totoo. Hanggang sa dulo, ako'y sa'yo. {CXC P4 | 052722 | 2126H}

Una, Ngayon, at Wakas

Dito magsimula kung saan nawala Ang bawat takot at mga pangamba. Dito magsimula kung saan natapos Ang dalamhating mula sa pagkakagapos. Dito mag-umpisa kung saan nagwakas Ang matatalim na salitang parating nabibigkas. Dito mag-umpisa kung saan naputol Ang mga pagdududa at maling hatol. Ngayon na nga natapos ang paghihikahos Kung kailan inumpisahang ako'y isaalang-alang Ngayon na nga nawala ang pagtataka Nang ako ay iyong lingunin at saka kinilala. At ngayon ay sigurado nang ang dulo Ang magiging hudyat ng pagbabago. At ang pinakatatanging umpisa Ay katapusan na ng pagdurusa. [080321  |  0327]

Paglisan

Yakaping mahigpit At manatiling saglit Bago mawalang lahat ng kapit At sa'king piling ika'y mawaglit. Inialay nang lahat ng kaya Labis-labis na nga kung susumahin pa Subalit pangita sa'yong mga mata Ang pagkawala ng respeto at gana. Ngunit siguro'y minsan Mahirap din ngang punan Ang matagal nang walang laman O sa kahit kaila'y walang nanahan. Sadya yatang ang buhay Ang bukod-tanging patunay Na may dumarating nga'y Mayroon pa ring hihimlay Tunay na ngang pagal Sa paghintay nang kay tagal Walang nagawa ang mga dasal Sinaulo man at inaral Una palang, akin nang alam Ang hahantunga'y pamamaalam Sa sintang inasam, Sa mga sandaling hiniram. Ikaw ay akin nang lilisanin Paalam sa maaamo mong tingin Sa pagsuyo mong bitin Na kaysa wala ay inam na rin.