Dito magsimula kung saan nawala
Ang bawat takot at mga pangamba.
Dito magsimula kung saan natapos
Ang dalamhating mula sa pagkakagapos.
Dito mag-umpisa kung saan nagwakas
Ang matatalim na salitang parating nabibigkas.
Dito mag-umpisa kung saan naputol
Ang mga pagdududa at maling hatol.
Ngayon na nga natapos ang paghihikahos
Kung kailan inumpisahang ako'y isaalang-alang
Ngayon na nga nawala ang pagtataka
Nang ako ay iyong lingunin at saka kinilala.
At ngayon ay sigurado nang ang dulo
Ang magiging hudyat ng pagbabago.
At ang pinakatatanging umpisa
Ay katapusan na ng pagdurusa.
[080321 | 0327]
Comments
Post a Comment