Skip to main content

TAHAN

Halika sinta, lumapit ka
Ipakikita ko sayo ang tunay na ligaya
Wag mag-alinlangan, wag mahiya
Sa mainit na yakap, babalutin ka tuwina

Tahan sinta, sinta tahan
Pawiin nang agad, mga luhang nasayang
Hinagpis ng kahapo'y tuluyan nang bitawan
Harapin na ang bukas na buo ang kalooban

Aking sinta, lagi mong tandaan
Ano man ang mangyari, kahit kailan
Iwan ka man ng karamihan
Mananatili ako sa tabi mo lamang

Saktan ka man nila
Dito'y iibigin ka lang talaga
Isang pagmamahal na walang kapantay
Sunod sa Maykapal at sadyang tunay

Ayawan mo man ako at ipagtabuyan
Patuloy paring ika'y aasahan
Magbabakasakaling iyong lalapitan
At pagmamahalan parin ang ating hahantungan

Ngunit kung di man ako ang kasama mo sa dulo
Mawalan man ng pag-asa ang "tayo"
Tapat pa rin ako sa aking pangakong
Basta't masaya ka'y masaya na rin ako.

Kaya't sinta, tahan na
Panahon na upang tuyuin ang mga luha
Kaya't sinta, ikaw'y tumahan na
Lagi lang akong sa iyo'y nakasuporta

Comments

Popular posts from this blog

Walong buwan na ang nagdaan Nang ang isa't isa'y matagpuan. Nagkapakiramdaman, Iba na pala ang tinginan, Salitaang may laman. Minsan masaya, minsan magulo. Minsa'y kailangan manuyo. May sigawan man o tampo, Nakararaos kahit papaano, Palagi pa ring kuntento. Sabi nila'y "H'wag ka-seryoso, Iilang buwan pa lamang kayo. Madali pa ang mga ito Kumpara sa relasyong totoo." Ngunit sinong may sabing 'di tunay 'to? Kahit na anong iksi Hindi masasabing madali Ang magtiwala at mamili Na dito ay manatili Subalit dito'y walang pagsisisi. Kaya't laging ang sagot Sa tanong na nahahakot "Hindi man tiyak ang aking madampot Asahan mong wala akong takot Dahil sya lang ang pumapawi ng aking lungkot." Tulad ng lagi mong sabi, Mahal din kita palagi. Habang ikaw pa ang nandito, Mahal kitang totoo. Hanggang sa dulo, ako'y sa'yo. {CXC P4 | 052722 | 2126H}

Una, Ngayon, at Wakas

Dito magsimula kung saan nawala Ang bawat takot at mga pangamba. Dito magsimula kung saan natapos Ang dalamhating mula sa pagkakagapos. Dito mag-umpisa kung saan nagwakas Ang matatalim na salitang parating nabibigkas. Dito mag-umpisa kung saan naputol Ang mga pagdududa at maling hatol. Ngayon na nga natapos ang paghihikahos Kung kailan inumpisahang ako'y isaalang-alang Ngayon na nga nawala ang pagtataka Nang ako ay iyong lingunin at saka kinilala. At ngayon ay sigurado nang ang dulo Ang magiging hudyat ng pagbabago. At ang pinakatatanging umpisa Ay katapusan na ng pagdurusa. [080321  |  0327]

Paglisan

Yakaping mahigpit At manatiling saglit Bago mawalang lahat ng kapit At sa'king piling ika'y mawaglit. Inialay nang lahat ng kaya Labis-labis na nga kung susumahin pa Subalit pangita sa'yong mga mata Ang pagkawala ng respeto at gana. Ngunit siguro'y minsan Mahirap din ngang punan Ang matagal nang walang laman O sa kahit kaila'y walang nanahan. Sadya yatang ang buhay Ang bukod-tanging patunay Na may dumarating nga'y Mayroon pa ring hihimlay Tunay na ngang pagal Sa paghintay nang kay tagal Walang nagawa ang mga dasal Sinaulo man at inaral Una palang, akin nang alam Ang hahantunga'y pamamaalam Sa sintang inasam, Sa mga sandaling hiniram. Ikaw ay akin nang lilisanin Paalam sa maaamo mong tingin Sa pagsuyo mong bitin Na kaysa wala ay inam na rin.