Skip to main content

Bagong Umaga

Isang araw nang ako'y magising
Mula sa pagtulog na mahimbing
Alam kong ika'y tahimik pa ring
Kunwari'y nagmamahal pa sa'kin.

Bumaling ako't humarap sa'yo
Tinitigan kita't sinaulo
Sa pagkurap ng mga mata ko'y
Biglang nabuhay ang diwa mo.

Matagal, malalim, walang maliw
Sa'ting tingina'y walang bumali.
Aking napagmasdan at nasuri
Na sa mata mo'y wala nang aliw.

Gusto ko nang bumango't tumayo
Mula sa pagkakahigang ito.
Sobra nang lahat ng sakripisyo.
Ano ba't ngayon lang napagtanto?

Ngunit kasabay ng aking bwelo
Ay ang pagkapit mo sa kamay ko.
Tila mas lumalim ang tingin mo
Sa aking mata at pagkatao.

Hinila mo akong pabalik
Kahit pa ayoko nang lumapit.
Sa pisngi ko'y pinilit humalik.
Ulo'y sa balikat ko dinikit.

Mga mata ko'y aking 'pinikit
Inalala ko ang bawat saglit
No'ng ang mga yakap pa'y mainit
At hindi nalang yung tipong pilit.

Subalit ang lahat ay huli na
Ngayo'y manhid at walang tiwala
Sa pag-ibig na alay sa t'wina;
Sa irog na lubusang sininta.

[021018 | 23:17]

Comments

Popular posts from this blog

Walong buwan na ang nagdaan Nang ang isa't isa'y matagpuan. Nagkapakiramdaman, Iba na pala ang tinginan, Salitaang may laman. Minsan masaya, minsan magulo. Minsa'y kailangan manuyo. May sigawan man o tampo, Nakararaos kahit papaano, Palagi pa ring kuntento. Sabi nila'y "H'wag ka-seryoso, Iilang buwan pa lamang kayo. Madali pa ang mga ito Kumpara sa relasyong totoo." Ngunit sinong may sabing 'di tunay 'to? Kahit na anong iksi Hindi masasabing madali Ang magtiwala at mamili Na dito ay manatili Subalit dito'y walang pagsisisi. Kaya't laging ang sagot Sa tanong na nahahakot "Hindi man tiyak ang aking madampot Asahan mong wala akong takot Dahil sya lang ang pumapawi ng aking lungkot." Tulad ng lagi mong sabi, Mahal din kita palagi. Habang ikaw pa ang nandito, Mahal kitang totoo. Hanggang sa dulo, ako'y sa'yo. {CXC P4 | 052722 | 2126H}

Una, Ngayon, at Wakas

Dito magsimula kung saan nawala Ang bawat takot at mga pangamba. Dito magsimula kung saan natapos Ang dalamhating mula sa pagkakagapos. Dito mag-umpisa kung saan nagwakas Ang matatalim na salitang parating nabibigkas. Dito mag-umpisa kung saan naputol Ang mga pagdududa at maling hatol. Ngayon na nga natapos ang paghihikahos Kung kailan inumpisahang ako'y isaalang-alang Ngayon na nga nawala ang pagtataka Nang ako ay iyong lingunin at saka kinilala. At ngayon ay sigurado nang ang dulo Ang magiging hudyat ng pagbabago. At ang pinakatatanging umpisa Ay katapusan na ng pagdurusa. [080321  |  0327]

Paglisan

Yakaping mahigpit At manatiling saglit Bago mawalang lahat ng kapit At sa'king piling ika'y mawaglit. Inialay nang lahat ng kaya Labis-labis na nga kung susumahin pa Subalit pangita sa'yong mga mata Ang pagkawala ng respeto at gana. Ngunit siguro'y minsan Mahirap din ngang punan Ang matagal nang walang laman O sa kahit kaila'y walang nanahan. Sadya yatang ang buhay Ang bukod-tanging patunay Na may dumarating nga'y Mayroon pa ring hihimlay Tunay na ngang pagal Sa paghintay nang kay tagal Walang nagawa ang mga dasal Sinaulo man at inaral Una palang, akin nang alam Ang hahantunga'y pamamaalam Sa sintang inasam, Sa mga sandaling hiniram. Ikaw ay akin nang lilisanin Paalam sa maaamo mong tingin Sa pagsuyo mong bitin Na kaysa wala ay inam na rin.